Tagubilin sa Isang Palalo
Ang boung akala taglay niyang lahat
Talino at dunong na walang katulad.
Ngunit ang totoong hindi n'ya matanggap
Siya ay tunay na magaling magpanggap.
Sadyang mapanghamak sa tuwi-tuwina
Lubos ang pagpula sa gawa ng iba.
Kung sa galing lang daw sinong hihigit pa?
Kakayahan niya ay walang kapara.
Matayog ang kanyang layuni't pangarap
Ang pinanggalingan nalimot na ganap.
Dating kaibigang dukha at mahirap,
Ay dagling tinalikuran ayaw makausap.
Ang palalong ito ang nakakahambing
Ay ibong mataas ang lipad sa hangin.
Ang kahabag-habag kapagka nalasing
Sa kanyang pagbagsak ay di na magising.
Sadyang ang buhay mong sukdulang nalihis
Kung di imumulat at di itutuwid.
Kaibigan, ang payong sa iyo'y pahatid
Baguhin mo sana ang gawi at mat'wid.
Featinian







